Feeds:
Posts
Comments

Posts Tagged ‘human rights violations’

SA CLEARING OPERATIONS NG BALIKATAN, buhay at kabuhayan na ang nasasalanta ng kalamidad na dulot ng mapaminsalang mga operasyong militar ng 9th ID na ang layunin ay ma-secure umano ang mga eryang paglulunsaran ng US-RP Balikatan exercises sa Bikol.

Balikatan Clearing Operations sa Albay, pinaslang ang isang sanggol.

Sa tuluy-tuloy na clearing operations sa mga barangay ng Ligao City, napaslang ang isang taon at apat na buwang sanggol na si Rafaela Polborido noong Pebrero 18. Namatay ang sanggol dahil sa matinding tama ng shrapnel mula sa bombang pinasabog ng pasistang tropa ng 901st IB na pinamumunuan ng isang upisyal ng AFP na may nameplate na Flordeliza.

Ayon mismo sa mga Brgy Official ng Brgy Balanac, walang habas na nagpaputok ng baril at nagpalipad ng mga grenade launcher ang mga militar.

Walang crossfire na nangyari. Kapalpakan ng militar ang pagpasabog ng isang grenade launcher sa bahay ng mga sibilyan. Sugatan ang apat pang bata at ang ina ng sanggol na si Jocelyn Polborido. Nakisilong lamang ang mag-iina nang biglang sumabog ang bomba mula sa bubong ng bahay na kanilang tinutuluyan. Naging abo ang bahay na nasabugan ng bomba.

Naganap ang pasistang krimen na ito habang nagsasagawa ng clearing operations ang mga militar sa mga barangay na malapit sa  Brgy. Paulba, kung saan isasagawa ang  Medical Action Program (Medcap) ng Balikatan.

Sa Albay, isinasagawa ngayon ang malawakang clearing operations para sa Balikatan war exercises. Nakapwesto ang tropa ng 49th IB sa Brgy. San Francisco, Legazpi City. Ayon sa pahayag ni  Maj Gen Jeffrey Sodusta ng 9th ID, ito ang magsisibilbing security force para sa Balikatan.

Ang pinatinding operasyong militar sa Albay ay nagdudulot na ng dislokasyon sa mga komunidad. Hindi na rin makapagtrabaho nang normal ang mga magsasaka dahil sa takot sa mga nag-ooperasyong militar.

Militarisasyon sa mga kostal na barangay.

Takot at pangamba ang nadarama ng mga residente sa mga aktibidad ng Special Operations Team (SOT) ng 901st IB sa mga kostal na barangay ng Legazpi City. Nababahala ang mga residente sa pinapatupad na curfew at sa mga pagpapatawag ng Philippine Army sa mga Barangay Council. Pinipilit silang dumalo sa mga pulung-pulong kung saan nagsasalita ang Civic Military Operation (CMO) unit ng militar. Binabantaan sila ng mga militar, huwag daw lumahok sa anumang pagkilos laban sa  Balikatan. Nahaharap sa ganitong sitwasyon ang mahigit 50 barangay sa Legazpi City.

Sa bayan ng Sto Domingo, pinatawag din ng commanding officer ng 901st IB ang lahat ng Barangay Kapitan. Ginigipit ang mga residente ng Brgy Salvacion, Lidong at San Andres, na binabansagan ng militar na hotspots diumano at may presensya ng NPA. Nababahala din ang mga residente sa pagtatayo ng military detachment sa Brgy Salvacion.

Sa Tabaco City, nangangamba ang mga residente sa pagdagsa ng mga tropa ng militar mula noong Pebrero. Militarisado ang Brgy. Baranghawon, Bongabong, San Roque, Quinastillohan, Bantayan at Tabiguian.

Sa bayan ng Tiwi na halos lahat ng baranggay ay nasa kostal, pinipilit ang mga residente na dumalo sa mga pulung-pulong ng CMO unit ng militar para sa Balikatan. Pilit na ipinapatanggap sa mamamayan na humanitarian mission lang diumano ang aktibidad nito.

Malinaw na ang mga aktibidad ng SOT ay bahagi ng isang sistematikong kampanya sa psychological operations para ikubli ang tunay na pakay ng Balikatan, ang gera at ang pang-uupat ng gera.

Mantinido rin ang presensya ng mga tropa ng militar sa mga kostal na barangay ng Malinao, Malilipot, Bacacay at Manito, Albay. Nananalasa rin ang pinatinding operasyong militar sa mga kostal barangay na nakaharap sa Pacific ocean.

Nauna nang idineklara ni  Major Ramon Zagala, ang tagapagsalita ng Balikatan-09 na aabot sa 5,500 to 6,000 US troops ang lalahok sa war games na gaganapin sa Silangang bahagi ng Bikol.

Apektado na ang kabuhayan ng mga mangingisda. Dahil sa takot at pangamba sa presensya ng napakaraming militar sa tabing dagat, nililimita na ang pang-ekonomyang aktibidad ng mga mangingisda.

Dagdag pa, ang ipinapatupad na fishing ban ng BFAR. Kahit paulit-ulit na idinideklara ng tagapagsalita ng 901st IB na wala itong kaugnayan sa Balikatan, hindi nila itinatanggi na mayroong security measures sa mga pantalan na pagdadaungan ng mga US warship. Hindi pa man dumadaong ang mga barko ng tropang US, ramdam na ng mga mangingisda ang gutom at panganib.

Nararapat na harapin ng tapang at paglaban ang mas mabangis at mapaminsalang Balikatan clearing operations ng militar sa kanayunan at kalunsuran ng Bikol.

Ilantad at Labanan ang mga abusong militar ng 9th ID at US troops

Hustisya at bayad pinsala sa mga biktima ng Balikatan clearing operations!

Bikolanong makabayan, magkaisa at lumaban!

Read Full Post »