Feeds:
Posts
Comments

Posts Tagged ‘901st brigade afp’

MGA BATA AT KABABAIHAN BIKTIMA NG CLEARING OPERATIONS NG 901ST BRIGADE NG AFP PARA SA BALIKATAN! ITIGIL ANG OPERASYONG MILITAR SA IKATLONG DISTRITO NG ALBAY LALO NA SA LUNGSOD NG LIGAO! PAPANAGUTIN ANG 901ST BRIGADE!

Kinokondena ng BICOLANA-GABRIELA sa pinakamataas na termino nito ang walang habas na pagbomba ng mga tropa ng 901st Brigade-PA sa dalawang bahay ng mga sibilyan sa Bgy. Balanac, Ligao City noong Pebrero 18 dakong alas-11:30 ng umaga, na nagresulta sa pagkamatay ng batang si Rafaela Polborido, 1 taon at 4 na buwan at malubhang pagkasugat ng 6 pang mga bata na nag-eedad mula 10 buwan hanggang 9 taong gulang at 3 pang kababaihang pawang mga ina ng mga bata at pagkasunog ng mga bahay kasabay ang mga gamit sa loob ng bahay.

Ang karanasang ito ng pamilyang Polborido at Dalima kasama ang buong komunidad ay nagdulot ng matinding takot at trauma lalo na sa mga bata. Nadisloka rin sila sa kanilang mga tahanan dahil sa pagkasunog dulot ng pambobomba. Maraming mga bata ang hindi na pumapasok sa eskwela at maging ang mga guro dahil sa matinding takot na mabiktima din ng karahasang militar.

Kinukundena din namin ang kalupitan, di-makatao at kabulukan ng kontra-insurhensyang gyera na inilulunsad ng rehimeng Arroyo laban sa mga mamamayan nito. Sinasalamin ng pangyayaring ito ang pagiging bayaran/swelduhan, utak pulbura at pasista ng kaisipang isinasaksak ng indoktrinisasyon at mga pagsasanay sa hanay ng ating mga kasundaluhan na tuwirang nakaayon sa disenyo ng pwersang militar ng Etados Unidos. Lalo pa itong napapasama sa pagkakaroon ng mga pinuno gaya ni Col. Ariel Bernardo na hindi marunong tumanggap ng pagkakasala sa mamamayan at ayaw umako ng buong responsabilidad sa mga nagawa ng kanyang mga tauhan sa 901st Brigade.

Ito ba ang pagsasakatuparan ng sinasabing “to serve and protect”? Dito ba napupunta ang malaking bahagi ng pera ng bayan na galing sa buwis na pinaghihirapang pagtrabahuhan ng mga mamamayan? Una sa lahat, dapat isaalang-alang at pangalagaan ng AFP ang buhay ng mga sibilyan lalo’t higit ang buhay ng mga bata at kababaihan na isinasaad sa Comprehensive Agreement on the Respect of Human Rights and International Humanitarian Law at maging sa International Convention on the Rights of the Child at International Declaration of Human Rights.

Ang pambobomba ay naganap habang nagsasagawa ang militar ng clearing operations para sa gaganaping BALIKATAN Exercise sa mga lugar ng Ligao City kasama ang mga bayan ng Libon, Pio Duran, Guinobatan at Camalig, Albay. Ngayon pa nga lamang na naghahanda para sa isasagawang joint military exercise ay nakakagawa na ang AFP ng mga paglabag sa karapatan ng mga sibilyan, lalo’t higit sa mga bata at kababaihan, paano pa kaya kapag nagsimula na ang BALIKATAN?

Sa ganitong mga karumal-dumal na pangyayayari, hinahamon namin ang pamunuan ng AFP sa rehiyon at sa buong bansa na papanagutin ang mga may sala sa 901st BRIGADE, Phil. Army kasama ang mga opisyal na nag-utos ng pambobomba at operasyong militar sa lugar. Kagyat ding itigil ang operasyong militar sa ikatlong distrito ng Albay lalo na sa lungsod ng Ligao at huwag ituloy ang gagawing joint military exercises sa mga probinsya ng Albay, Masbate at Sorsogon.

Nananawagan din kami sa mga mamamayan lalo sa Ligao City na maging matapang at mapagmatyag  para ilantad at labanan ang mga pandarahas at paglabag sa ating mga karapatang pantao lalo ng mga bata at kababaihan na kagagawan ng AFP.

PANGALAN NG MGA NAGING BIKTIMA NG PAMBOBOMBA NG 901ST BRIGADE:

Namatay    –    RAFAELA POLBORIDO, 1 taon at 4 na buwan (namatay sa BRTTH noong  February 19, 2009, 12 midnnight, dahil sa tama ng sharpnel sa may  bahagi ng batok.

Mga may tama ng sharpnel sa iba’t-ibang parte ng katawan:

* JOCELYN POLBORIDO, 30 yo

* INA POLBORIDO, 5 yo anak ni Jocelyn

* DAISY POLBORIDO, 4 yo anak ni Jocelyn

* EUFEMIA POLBORIDO, 28 yo

*  ANDREA, 4 yo, anak ng kapatid ng asawa ni Jocelyn

* ROSE DALIMA, 31 yo

* RODERICK DALIMA, 5 yo anak ni Rose

* MARY ROSE DALIMA, 10 mos, anak ni Rose

* EMERSON, 9 yo anak ni Rose

Read Full Post »